Nagtrabaho si Rizal sa Dapitan bilang isang manggagamot. Ang kanyang mga pasyente ay mga mahihirap na hindi makabayad at mga mayayaman na nagbabayad ng malaki sa kanyang paglilingkod. Nang tumira ang kanyang ina sa Dapitan sa loob ng isa’t kalahating taon, ginamot din ito ni Rizal. Nakilala ang kahusayan ni Rizal sa panggagamot kahit na siya ay nasa Dapitan, sinasadya siya ng mga pasyente mula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Naging interes din ni Rizal ang mga lokal na halamang gamotItinayo ni Rizal ang isang sistema ng patubig sa Dapitan upang magkaroon ng malinis na tubig sa bawat bahay ng Dapitan. Inumpisahan niya ang ilang proyektong pangkomunidad sa Dapitan: (1) Paglilinis ng mga latian upang mawala ang malaria; (2) Paglalagay ng pailaw sa lansangan ng Dapitan at; (3) Pagpapaganda ng liwasan at ang paglalagay ng mapa ng Mindanao sa plasa.
Ang malaking panahon ni Rizal ay ginamit din niya sa pagtuturo ng mga kabataan sa Dapitan. Tinuruan niya ang mga ito ng mga aralin sa wika, heograpiya, kasaysayan, matematika, gawaing industriyal at iba pa. Ang oras ay mula alas 2:00 hanggang alas 4:00 ng hapon. Ang ilan sa mga iniambag ni Rizal sa agham sa Dapitan ay ang mga sumusunod: (1) Pinasok ni Rizal ang mga kagubatan at baybay dagat ng Dapitan para sa paghahanap ng mga specimen upang ipadala niya sa mga museo ng Europa; (2) Nakapag-ipon siya ng 346 na uri ng mga kabibi at; (3) Natagpuan niya ang species ng Draco rizali, Apogonia rizali at Rhacophorus rizali.
Ang pag-aaral ng mga wika ay ipinagpatuloy ni Rizal sa Dapitan. Sa panahong ito ay natutunan niya ang wikang Bisaya, Subuanin, at Malayo. Ang kahusayan sa larangan ng sining ay makikita pa rin kay Rizal sa panahon ng pagkakatapon niya sa Dapitan. Gumuguhit siya ng mga bagay na nakaakit sa kanya at nililok niya ang (1) Paghihiganti ng Ina, (2) ang ulo ni Padre Guericco, at (3) estatwa ng isang babaeng taga-Dapitan.
Ginamit din ni Rizal ang kanyang panahon sa Dapitan bilang isang magsasaka. Umabot ng 70 hektarya ang lupang kanyang pag-aari na tinaniman niya ng abaka, niyog, punong kahoy, tubo , mais, kape, at cocoa. Ginamit din ni Rizal ang modernong pagsasaka sa pamamagitan ng pag-aangkat sa Estados Unidos ng mga makabagong makinarya. Ang pagnenegosyo ay isa sa mga naging gawain ni Rizal sa Dapitan. Nakipagsosyo siya kay Ramon Carreon, mangangalakal na taga-Dapitan, sa negosyo ng pangingisda, koprahan at abaka. Itinayo din ni Rizal ang kooperatiba ng mga magasasaka sa Dapitan upang mabawasan ang monopolyo ng mga Tsino sa lugar. Naging malikhain si Rizal sa Dapitan sa pamamagitan ng paglikha ng mga sumusunod: (1) sulpukan, isang pagsindi ng sigarilyo na gawa sa kahoy at; (2) makina sa paggawa ng bricks.
Sa ganitong paraan ginugol ni Rizal ang Kanyang buhay sa Dapitan. Sa palagay niyo san ba maihahatulad ang lugar ng Dapitan. Ang Dapitan noon ay tapunan ng mga preso o nagkasala sa batas ng mga Kastila. Kung maituturing noon ang Dapitan ay ang Tondo sa ating kapanahunan. Pero sa kabila ng mga nadatnan na problema ni Rizal sa lugar na ito ay hindi niya ito tinignan na wala ng pag asa bagkus ginamit ang kanyang kakayahan upang matulungan umahon at baguhin ang pamumuhay ng mga tao dun. Ang aral dito hanggat may panahon pa upang gumawa ng mabuti at maganda para sa ating bayan ay gawin na nating ang ating gampanin. Sapagkat ang bawat isa ay may gampanin sa bawat isa. Huwag na tayo pumangkat sa grupo ng mga pabigat sa bayan kundi maging kapakipakinabang sa maliit o malaking bagay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento